HAMPAS NG ALON: Chapter 1
October 3rd, 2007 by gwinchyPangalan ko ay Mary-Anne Carvajal, laking probinsya, nagiisang anak at nagpunta sa maynila upang maghanap ng trabaho, madaming nangyari sa akin sa maynila at eto ang istorya ko.
Bago ang lahat sasabihin ko muna sa inyo kung saan ako nagmula at kung ano ang nagudyok sa akin na pumunta ng Maynila. Mane ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko, sa bahay naman Meng-meng, alam mo na ang mga nanay mahilig sa mga ganun palayaw, hilig nila sa may mga tunog na NG sa huli, BEBANG, GAGANG, DING, INENG at marami pang iba, 27-taon gulang ako at sanay sa buhay probinsya, sanay sa init, sanay sa mga humahampas na bagyo kapag tag-ulan, alam mo naman sa probinsya diba? konting bagyo lang eh delubyo na kaagad, madaming nasasalanta, gayun pa man hindi ko na babanggitin kung saan probinsya mismo ako nagmula, basta galing ako sa probinsya. Hindi naman ako kagandahan, pero maraming nagsasabi na kahawig
ko daw si Tetchie Agbayani, yung iba naman sabi mas kahawig ko daw si Bayani Agbayani ayos diba?
Bahala nga sila kung maghusga sila ng ganun sa akin, Isa lang ang masasabi ko, mabait akong tao at hangga’t maari ay ayokong nangaapi ng kapwa. Sabik akong magkapatid ngunit mula ng malaglag si inay sa puno ng buko ay hindi na siya maaring magka-anak, nagkaroon siya ng sakit sa matres kaya ayun di na siya maaaring magbuntis, mag-isa lang ako, buti nga at nabuhay pa si inay eh, at bilib naman ako kay itay dahil hindi ko man lang siya makitang nambababae, o baka hindi ko lang siya nakikita, hindi naman siguro, may tiwala ako kay itay. Masipag ang mga magulang ko, drayber si itay sa isang pagawaan ng asukal, si inay naman ay tumatanggap ng mga labada at plantsahin, meron din kaming maliit na tindahan na kapag wala akong pasok ay ako ang nagbabantay. Malapit ako sa mga magulang ko, lalong lalo na sa lola ko, madalas ko siyang tinutulungan mamalengke at palagi niya akong binibilhan ng napkin kapag dinadatnan ako, alagang alaga ako ng lola ko, matagal na siyang patay kaya naman hindi ko na masyadong dinaramdam. Madami din akong kaibigan sa probinsya, kaso di ako madalas sumasama sa kanila kapag namamasyal sila, kasi kailangan kong tulungan ang aking mga magulang at gusto kong tumutok sa pag-aaral, ngunit kung minsan naman ay sila nalang ang pinapupunta ko sa bahay namin, mas gusto ng magulang ko yun, kasi nakikilala nila ang mga kaibigan ko. Dahil sa sipag ng aking mga magulang ay nagawa nilang patapusin ako ng kolehiyo, BS Zoology ang tinapos ko, kung bakit yun ang kinuha ko ay dahil noong bata pa ako ay mahilig ako sa hayop, ibat ibang klase ng hayop, mayroon akong alagang 8 Pusa, 5 Aso, 53 na Dagang kosta (tinitinda ko sila), 10 kalapati, 10 Pa-itluging Manok, 2 Baboy, 2 Baka at 33 na Bibi, yung mga Bibi sa lola ko talaga yun pero ako na din ang nagaalaga mula ng mamatay ang lola ko dahil sa rabies, nilapa kasi siya ng isang asong kalye habang nagwawalis sya ng mga tuyong dahon sa bakuran namin, naawa ako sa lola ko nun dahil para siyang suman na pilipit nung nilibing siya, nalungkot ako ng sobra, dahil wala manlang akong magawa upang masagip siya sa rabies. Nakapag-trabaho din naman kaagad ako pagkatapos ng ilang buwan mula noong naka-graduate ako, Pumasok ako bilang isang helper sa Maliit na Zoo doon sa lugar namin, OO sa ZOO, naglilinis ako ng kulungan, nagpapakain ng mga hayop, chinecheck-up kung may sakit sila, nagwawalis ng mga tae, pinaliliguan ang mga matsing, pero ang pinakamahirap ay yung paglilinis
ng kulungan ng buwaya, terible, ilang beses na akong muntikang makagat sa binti, yung mga pesteng bata kasi madalas magtapon ng kung ano ano sa kulungan ng buwaya…
Ganun pa man doon nababagay ang isang katulad kong mahilig sa hayop, tumagal din ako doon sa Zoo ng mga 1 taon at umalis ako dahil pakiramdam ko na maswerte pa yung mga hayop kaysa sa akin, mas hayop pa kasi ang trato ng amo ko sa akin kaysa sa mga hayop sa zoo. May katagalan din akong nabakante noon, pero panay ang pag-aapply ko sa kung saan saan kahit hindi ko na linya ay inaaplayan ko, ngunit matapos ang ilang buwan na desperada sa paghahanap ng trabaho, ay nagpahinga muna ako, sabi ko hindi na muna ako maghahanap ng trabaho, tutal madami na din naman akong napasahan ng bio-data…Ngunit isang araw ay nakatanggap ako ng sulat mula sa isang Beterinaryo, may Animal Clinic sya, wala akong naalalang inaplayan kong Animal Clinic noon pero sabi ko susubukan ko na din, sayang eh tsaka tutal linya ko ang pag-hahayop…Pagpunta ko doon ay naka-usap ko ang Beterinaryo, sabi niya na may kaibigan daw siyang nakatanggap ng bio-data ko, at ipinasa sa kanya dahil naghahanap nga siya ng assistant sa kanyang clinic, nagusap kami ni Doc at kaagad akong nagsimula sa kanya… ngunit makalipas ng ilang buwan ay umalis din ako dahil muntik na akong magahasa ng ahas na doctor na yun, muntik na akong matuklaw at mabiktima ng kamandag niya, kaya pala niya ako pinapasok sa clinic niya ay dahil para manyakin niya ako, buti nalang marunong akong pumalag at kung hindi, malamang nawarat na ang aking pinakaiingatan, hindi ko na sinabi sa mga magulang ko ang nangyari, kahit na tuwang tuwa sila sa akin dahil sa clinic ako nagtatrabaho, para daw akong doctora, kung alam lang nila…Haaay Diyos ko, Talaga lang sigurong malapit ako sa mga HAYOP!
Napansin ko na wala na akong pag-asang umunlad pa sa probinsya namin, kaya naman nagtanong ako kina itay at inay kung maari ba akong magpunta ng maynila upang makapag-hanap ng magandang trabaho para naman kahit paano ay umangat ang buhay namin, matanda na din kasi sila at malapit ng magretiro at sabi ko din na ilang taon nalang ay magiging 40 na ako at wala pa din akong mapapangasawa, sabi ko sa kanila na dapat naghahanda na ako sa maaring dumating sa buhay ko, tutal nandun din naman yung isa kong tiyahin na nakatira sa may Mandaluyong at maari akong manuluyan muna doon pansamantala. Ilang araw din ang hinintay ko at pagpupumilit bago ako pinayagan ng aking mga magulang, sabi kasi nila na delikado daw sa maynila at maraming gago at mapapahamak lang daw ako. Hindi ko na inisip ang mga ganun insidente na maaring mangyari sa akin, sabi ko nalang sa kanila na mag-iingat akong mabuti at palagi akong susulat sa kanila. Nag-impake ako kinabukasan, ginamit ko ang kulay pink na Hello Kitty kong bakpak na gamit ko pa noong elementary ako, imported kasi yun galing japan, bigay sa akin ng nanay ng kaibigan ko dahil japayuki yung nanay nya, malaki at marami akong mailalagay sa bakpak ko, alam mo naman sa public elementary school, kulang nalang maging parang kargador ang katawan mo sa dami ng libro mong bitbit, nagdala na din ako ng kaunting pagkain at inumin para hindi na din ako masyadong gumastos habang bumabyahe, dinala ko na din ang alkansya kong yari pa sa kawayan at alam kong kakailanganin ko yun, humigit kumulang na nasa tatlong libo na din siguro ang naipon ko mula noong una akong nakatanggap ng sahod sa una kong trabaho…At ganun na nga nagpaalam na ako kina inay at itay, hinatid nila ako sa terminal ng bus, nalungkot ako ng sobra at talagang grabe ang hagulgol nina inay at itay, hindi ko sila makalimutan na magkayakap at may malalim na bakas ng kalungkutan sa kanilang mukha habang nakadungaw ako sa bintana ng bus papalayo, sinigaw ko nalang sa kanila na "BABALIKAN KO KAYO AT PANGAKO KO NA HAHANGA KAYO SA AKIN, MAHAL NA MAHAL KO KAYO…" at humarurot na ang bus at unti unti na silang nawala sa aking paningin.



