Archive for October, 2007

HAMPAS NG ALON Chapter: 3

Sunday, October 14th, 2007

…Maaaarrryyyyyyyy aaaaaaannnnnnneee…..
…Maaaaaaarryyyyyyyyy aaaaaaaaaaaaannnnnnneeee….
…MAAAARRRYYYYYYYYYYYY AAANNNNNNNNNNNNNNNNNNNNNEEEE……
…MAAAAAARRRYYYYYYYYYY AAAAAAAAAANNNNNNNNNNNNNNNNNEEEEE……..
May isang babaeng tumatawag sa pangalan ko, nanggagaling sa malayo yung boses…ilang ulit niyang binabanggit ang pangalan ko…Boses yun ni Inay…si Inay yun tinatawag ako…Inaaayyyy…Innaayyyy nasaan ka???
"Mary Anne…Mary Anne…Gising ka…Gising…."
Nagising ako at bumulaga sa akin ang mukha ng kuya ni Gil…"nananaginip ka" sabi niya…"haaa..aaahhh eh OO, yung nanay ko…" hindi ako makatingin sa kuya ni Gil…"ano nangyari sa nanay mo?" …"wala kuya, wala…hayaan mo na, panaginip lang yun, wala naman masamang nangyari, anong oras na ba? tanghali na yata akong nagising…" umalis na ang kuya ni Gil sa loob ng kwarto at tsaka sinabi "may almusal sa lamesa kung gusto mong kumain wag kang mahihiya…" nakakatuwa naman ang mag-kapatid na ito, kakaiba ang turing nila sa akin…nagtutubig na naman ang mga mata ko…pero pinigilan kong maluha at bumangon na ako at inayos ang aking pinaghigaan. Paglabas ko sa kwarto ay walang tao sa sala o sa kusina, walang tao sa bahay nina Gil kundi ako lang. May naamoy akong pamilyar, amoy tuyo at sinangag na kanin…may nakatakip sa ibabaw ng lamesa, gusto kong tingnan, kaya naman tumingin tingin muna ako sa paligid bago ko tiningnan ang nakatakip, walang tao, walang makakakita, kaya dahan dahan kong binuksan ang nakatakip at doon pala nanggagaling yung amoy ng tuyo na naaamoy ko…ang bango, kaya kumuha na kaagad ako ng pinggan at kutsara at kumain kaagad ako…manilamlam ang tuyo, hindi sobrang alat, at masarap din ang sawsawang suka na may sili at bawang…subo lang ako ng subo na para bang mauubusan, ng biglang paglingon ko sa kaliwa ko ay nandun pala ang si Kuya…pahiyang pahiya ako…parang gusto ko ng tumakbo palabas kahit nabubulunan na ako, ngunit di ko pwedeng gawin yun. "Kain ka lang dyan ha, wag kang mahihiya, pasensya na at yan lang ang handa namin para sa almusal…" hiyang hiya pa din ako dahil namumuwalan ang bibig ko ng kanin…"hhhooooohhheeeegggg….hoooooheeeeegggg" …nakatitig ako kay Kuya…di niya alam na nabulunan na ako…pinilit kong iluwa ng kaunti ang pagkain at tsaka ako sumigaw ng " TUBEEEEEGGGGG!!! TUBBBEEEEEEEEGGGG " napatalon si Kuya sa taranta at dumampot kaagad siya ng pitsel at sinalampak niya sa bibig ko…basang basa ako ng tubig pero nahimasmasan naman ang aking pagkakabulon…" ay sorry sorry nataranta ako…ano ka ba naman kasi, hinay hinay lang…hahahahhahaha" natawa nalang din ako sa nangyari kahit na masakit ang lalamunan ko. Napansin ko na wala si Gil, kaya tinanong ko si Kuya kung nasaan siya " Kuya nasan na si Gil? "  parang hindi ako narinig ni Kuya, tuloy tuloy lang siya sa kusina at naghugas ng pinggan. Hindi ko na ulit tinanong si Kuya, baka mamaya kasi ay mairita pa siya akin, kaya tinapos ko na ang almusal at niligpit ang pinagkainan ko. " Kuya saan ko ba pwede tong hugasan? " nakatalikod lang si Kuya at abala sa paghuhugas " Iwan mo nalang dito sa lababo at ako ng bahala dyan " …" Nakakahiya naman ako na ang maghuhugas? " …pinatay ni kuya ang gripo at biglang humarap sa akin at sinabing " Bisita ka dito, hindi ka dapat naghuhugas, kung ako ba ang bisita mo sa inyo paghuhugasin mo din ba ako? " …natameme ako sa sinabi ni Kuya sa akin, OO nga naman! Nagpaalam na mun ako kay Kuya na pupunta na muna ako sa CR para makiligo ulit at magpalit ng damit, syempre susuotin ko ulit ay yung suot ko kagabi. Paglabas ko ng CR ay napansin ako ni Kuya, " San ka pupunta? bakit nakabihis ka na? " …hindi ko alam kung paano ba ako magpapaalam, parang ayaw ko pa ngang umalis dahil wala pa din si Gil at ayaw ko naman umalis na hindi manlang nagpapasalamat sa kanya. " aahh…ehhh, sa tingin ko Kuya kailangan ko ng umalis, hahanapin ko pa din kasi ang Tiyahin ko at nakakaabala na din ako sa inyo dito…at Kuya nasan ba si Gil? saan siya nagpunta? " alam ko narinig ako ni Kuya, sigurado ako dahil kaharap ko siya ng tanungin ko sya kung nasaan si Gil, ngunit ayaw magsalita ni Kuya, medyo may bakas sa mukha niya na parang natatawa siya, alam mo yung parang may nililihim…Nang biglang may tumakip nalang na kamay sa mata ko na nagmula sa likod, hindi ko matanggal, " AAAYYYY….sino to? sino to? " at ng magawa kong makapiglas, humarap ako, si Gil pala! Parang huminto ang oras ng magkaharap kami, ang ganda ng ngiti niya, tuwang tuwa siya ng makita niya ako, ako naman ay may nararamdamang hindi mapaliwanag, parang ang saya-saya ko din ng makita ko si Gil, " may binili ako para sa iyo, sigurado akong magkakasya yan sa iyo dahil kasing katawan mo ang Nanay " talagang sobrang hiya ko kay Gil, hindi ako makapaniwala kung bakit nila ginagawa ito sa akin, hindi naman nila ako ganun kakilala, napayakap ako kay Gil at tsaka ako humagulgol " Maraming salamat sa inyo, hindi ko alam kung paano ko kayo masusuklian sa mga ginawa ninyo sa akin…(hikbi) ayaw ko sanang tanggapin yan, ngunit alam ko na magagalit ka sa akin kapag hindi ko tinanggap ang mga binili mo…" …niyakap ako ni Gil ng mahigpit at hinimas ang ulo ko " Tahan na, Tahan na…wala yun, hindi mo kailangan kaming suklian o bayaran ni Kuya, ginagawa namin ito dahil ginusto namin at hindi para manghiri ng kapalit…sige na magbihis ka na at mamaya hanapin natin ang bahay ng tiyahin mo, may naisip akong paraan para mahanap natin siya " …bumitaw na ako sa pagkakayakap ko kay Gil at tiningnan ko siya sa mata " Maraming salamat talaga…" Paglingon ko kay Kuya upang magpasalamat, nakita ko siya na parang tutang maamo ang mukha at lungkot na lungkot at umaagos nalang ang luha…ngumiti ako sa kanya at niyakap, ang laki laki ni Kuya " Tahan na Kuya, ayos na ako, Salamat din sa iyo ha? hayaan niyo, kapag akoy nakaraos na, babawian ko talaga kayo, pramis ko yan! " kaagad agad akong nagpalit ng damit at sinuot ang mga binili ni Gil sa akin, ang bilis ng pangyayari para akong si Darna na umusok lang ay iba na ang suot, pero syempre ako walang usok.

Hampas ng Alon :Chapter 2

Tuesday, October 9th, 2007

Ilang oras na din ang binabyahe ko, halos 12 oras na akong nasa bus, Ubos na ang baon kong pagkain, kaunti nalang ang inumin ko kaya minsan ay umiidlip nalang ako, tulo laway at nagigising na lamang ako kapag may sumasakay na mga maiingay na nagtitinda ng mani, pugo at ang walang kamatayang buko pie, hindi ako mahilig sa buko pie, para sa akin walang kalasa-lasa ang buko pie at nakakasuka at naalala ko lang ang nanay ko noong nalaglag siya sa puno ng buko, kaya ayokong nakakarinig ng salitang BUKO. Sa stop over lang ako nakakababa ng bus, para jumingel at makapagunat-unat, sa isang stop over naman ay may nakita akong magkasintahan, ang saya-saya nila, tawa sila ng tawa habang kumakain ng hotdog at humihigop ng sopdrinks na nasa supot, inaamin ko na naiinggit ako sa kanila, wala pa kasi akong nakakarelasyon, may mga nanligaw sa akin noon pero hindi ko tinanggap, para tuloy akong nagsisisi, ngunit sabi ko na uunahin ko muna ang pamilya ko bago ang sarili ko, nilihis ko nalang ang tingin ko at sumakay na ulit sa bus. Ilang oras pa din ang byahe ko, mga 3 hanggang 5 oras pa siguro, kaya naman umidlip nalang ulit ako sa bus para hindi maramdaman ang lungkot at kaunting pagkalam ng tiyan ko. Makalipas ang ilang sandali pa ay naalimpungatan ako, at pagtingin ko sa bintana ay nagulat na lamang ako at nanlaki ang aking mga mata sa naggangandahang mga gusaling dumambal sa aking pagmumukha! ”WOW ANG GANDA” napasigaw ako at manghang mangha, pati nga yung katabi ko ay nagulat sa akin dahil sa lakas ng boses ko, napahiya ako ng kaunti, pero ayos lang, hindi naman niya ako kilala eh…ang mga napapanood ko sa TV, eto na, nasa harapan ko na! Nagalak ako ng sobra, parang isang panaginip, ngunit hindi naman, gising na gising ako. Patuloy sa pag-arangkada ng bus habang ako naman ay aliw na aliw sa tanawin. ilang sandali pa ay dumating na ang bus sa terminal ng cubao. Ang ganda ng mga gusali sa cubao, lalo na yung mga ilaw na nakabihis sa mga ito, at napakalaki pala ng Araneta Coliseum, parang UFO…lakad lang ako ng lakad, ang dami daming tao sa lansangan, May pamilya, magkakaibigan, magka-relasyon, at mayroon pa ngang mga lalaking mga naka-meykap at mas maganda pa ang mga kutis kaysa sa babae, walang pekas ang kutis ngunit mukha silang bakla pero hindi naman, ewan ko, hindi din ako sigurado. Napagod na din ako sa paglalakad, kasama na din yung pagbyahe ko ng pagkatagal-tagal, natagtag kasi ako sa byahe. Ngunit alam mo, napansin ko lang na madaming tumitingin sa akin, hindi ko alam kung bakit, siguro dahil probinsyana ako at mukha akong tanga na manghang-mangha sa aking mga nakikita, o baka dahil sa suot kong blaws na puno ng makikintab na palara…o baka dahil sa bag kong Hello kitty na kulay pink…imported yata ito, galing japan ah! huminto muna ako sa isang sulok at dun ako nagsimulang magantay ng mapagtatanungan kung paano ba ako makakarating sa Mandaluyong. Bawat taong pinagtatanungan ko ay nilalayuan ako at madalas nilang sabihin na "WALA" o di kaya " PASENSYA NA" sabay mabilis silang maglalakad papalayo. Napansin kong wala akong napagtatanungan kaya umalis nalang ako sa pwesto ko, siguro akala nila pulubi ako at nanghihingi ng palimos.

Sa sobrang aliw ko sa aking mga nakikita ay hindi ko na napansin na halos 2 oras na pala akong palakad-lakad at nawala na sa isip ko na pupunta pa pala ako sa tiyahin ko. Sa isang mall na magsasara na ay may nakasalubong akong gwardya, nagtanong ako sa kanya at pinakita ko sa kanya ang address ng tiyahin ko, at tinanong ko siya kung saan ba ang patungong Mandaluyong, sa kanya ako nagtanong kasi alam ko na kapag sa gwardya ako nagtanong ay hindi ako nito lolokohin, sabi sa akin ng gwardya na sumakay pa daw ako ng bus papuntang Alabang (saan ba yun?) kaya naman kinilaro ko sa kanya kung paano, sabi niya sa akin na madali lang daw at tinuro niya sa akin ang daan papunta sa EDSA at doon daw ako makakasakay ng bus, kaya nag-pasalamat ako sa kanya, ang bait niya, ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay narinig ko siya na nagsalita "Ingat ha!"  nakangiti pa din ang gwardya sa akin nang nilingon ko siya…ngumiti nalang ako at patuloy na naglakad patungo sa EDSA lakad lang ng lakad na para akong namamasyal sa ibang mundo at sa di inaasahang pangyayari ay bigla na lamang may lumapit sa akin babaeng mukhang manikin, "HOY WALANG HIYA KA, IKAW ANG KABIT NI ARIEL DIBA?…AHAS KA MANGAAGAW KA NG ASAWAAAA" galit na galit sya sa akin, at sinigaw sigawan niya ako sa harap ng madaming tao, ang daming napapatingin sa amin, ngunit umiiwas sila, hindi ko siya kilala, wala akong kilalang Ariel, "Hindi kita kilala, hindi ko alam ang sinasabi mo" tumalikod ako at iniwasan siya, ngunit hindi ko alam na bigla nalang niya akong sinabunutan at kinaladkad, ang sakit ng sabunot niya at halos matanggal ang anit ko, ang bilis ng pintig ng puso ko, kinabahan ako, mahilo hilo ako ng binitawan niya ako, ngunit hindi pa siya natapos at pinagsasampal naman niya ako, buti nalang naisasangga ko ang aking kamay, napahiga na ako sa sahig at nagbanta na ang babae na sipain ako ngunit bago pa man umabot ang paa nya sa sikmura ko ay may humawak sa paa niya…natahimik ang lahat…hulaan ninyo kung sino yung umawat? Si Manong Guard!!! Niligtas niya ako sa kapamahakan, tumakbo na yung babae papalayo sa amin, itinayo niya ako at nagpagpag ng mga buhangin na dumikit sa aking balat, pawis na pawis ako sa takot… ”OK ka lang?” sabi ni Manong Guard, sabi ko ”OO ayos lang ako kaso masakit ang balakang ko sa pagkakabagsak”…”Halika dun muna tayo sa may tindahan ng siopao, lumayo tayo dito at baka bumalik pa yun ng may kasama at para makapagpahinga ka din" hindi ako nagsalita, talagang takot na takot ako, nanginginig sa takot…ngunit sumama na din ako kay Manong Guard para malayo ang sarili ko sa maaari pang mangyari…"tutal kakatapos lang ng duty ko at sahod ngayon, ililibre nalang kita” ika ni Manong Guard…” nakalayo na kami ng bigla kong naalala "Teka, Teka…yung bag ko nasaan na?…Yung Bag ko…NAWAWALA YUNG BAG KO!!! NANDUN LAHAT NG MGA GAMIT KO, NANDUN YUNG ALKANSYA KOOOO!!!”  iyak ako ng iyak, hindi ko malaman ang gagawin ko, hindi ko mapaliwanag kung bakit nawala yung bag ko, ang bilis ng pangyayari, parang hangin lang na dumaan sa harapan ko…” Nasindikato ka Miss, yung babaeng nambubugbog sa iyo kanina, sindikato yun, marami nun dito sa maynila, pero tahan na, alam kong masakit pero wala na tayong magagawa kahit ipa-blotter pa natin sa pulis yan, hayaan mo akong bahala sa iyo, ligtas ka sa akin”. Mukha naman mabait siya, kumain kami ng siopao at binilhan na rin niya ako ng gulaman…" Gil…” may sinabi si Manong Guard…” Gil ang pangalan ko” …aba opportunista yata to ah, pero ok lang sabi ko sa sarili ko, tutal siya ang tumulong sa akin…”Aaaahhh…ako si Meng…ah eh Mary Anne pala…” hiya ako kasi ayaw ko na nung Meng Meng ang tinatawag sa akin eh..yung Mane naman parang ambastos." Maswerte ka pa miss at yan lang nangyari sa iyo, noong isang buwan kasi may sinaksak dyan na lalaki at yung mga sindikato din ang may kagagawan "
…hindi ako umiimik, nakatingin lang ako sa siopao na hawak ko at nanginginig pa din, napansin yun ni Gil…" Sorry, sorry…dapat hindi ko na sinabi yun sa iyo at baka lalo kang natakot…sorry talaga" …napatingin ako kay Gil, kitang kita ko sa mata niya na talagang nag-alala siya sa akin dahil sa sinabi niya…" OK lang ako, inaalala ko lang naman yung bag ko at paano ako makakapunta sa tiyahin ko "…naiyak na naman ako pagkatapos kong sabihin yun…hindi malaman ni Gil kung paano niya ako patatahanin, hanggang sa pagtingin ko sa mukha niya ay mayroon pa siyang sarsa sa ibabaw ng kanyang ilong, natawa nalang ako at sinabi sa kanya…hindi naman kapangitan si Gil at mukha naman talagang mabait…pero ang problema ko pa din ay paano na ako at wala na ang mga gamit ko, pati yung address ng tiyahin ko nandun sa bag at hindi ko kabisado kung saan yun, ang naalala ko nalang ay yung mukha nya at pangalan..paano ko ba siya makikita…paano?… Sabi sa akin ni Gil na medyo gabi na daw at nagsisimula ng umambon at kung gusto ko daw na tumuloy na muna ako sa kanila at bukas ko nalang hanapin ang Tiyahin ko…nag-isip ako sandali, sa tingin ko tama si Gil at baka kung mapaano pa ako sa kalsada, kaya sumama na ako kay Gil at tumuloy kami sa kanila, malapit lang sa Cubao, sa Proj. 6, ewan ko kung anong project meron dun pero pang-anim na.

Basang-basa kami sa ulan Pagdating namin sa bahay ni Gil, pinakilala niya ako sa Kuya niya na nagulat sa amin dahil nakahandusay sa sahig at nanonood ng TV, Grabe sa katabaan ng kuya niya, mukhang kumakain ng bata, pero cute sarap panggigilan parang si Jollibee…Silang dalawa lang ang nakatira sa bahay nila dahil ulila na sila sa magulang, tumayo kaagad yung kuya ni Gil at pinatuloy ako, sabi wag daw akong mahihiya, "Kumain na ba kayo?" sabi ng kuya ni Gil, na may malaking boses, parang garalgal na malaki ang boses, " Naiilang nga ako eh, kasi ako lang ang babae, ngunit wala akong magawa, si Gil lang ang nakita kong mabait sa akin ng mga oras na yun…at yung Kuya niyang mataba na nag-abot sa akin ng kumot at unan at nag-alok ng kama niya sa akin, sabi niya sa sopa nalang daw siya matutulog, tulog nga kaagad pagkahiga sa sopa eh…ang bait nilang dalawa at talagang sinuwerte yata ako…"Nakakahiya man sabihin to pero kung gusto mong maligo, nandyan lang ang CR at pahihiramin nalang kita ng twalya at damit ng nanay ko…" sabi ni Gil…hindi ko alam kung maliligo nga ba ako, natatakot ako na baka may mamboso sa akin, malay ko ba kung bosero pala sila ng kuya niya…ano ba ito, kung ano anong iniisip ko…kaya naman inamoy ko ang sarili ko ng palihim at ang baho ko na, nagsisimula na akong magkaroon ng anghet, kaya pumayag na din ako…Pagkatapos kong maligo ay nakita ko si Gil na nag-titimpla ng kape…"Kasyang kasya sa iyo yang damit ah! parang sinukat…Oh magkape ka muna at medyo malamig ngayong gabi, pasensya ka na sa bahay namin ah at medyo maliit at….." bago pa matapos si Gil ay "Ano ka ba…Ayos lang noh, kung makikita mo ang bahay namin sa probinsya baka hindi ka na tumuloy…at hindi ako maarte…" sabay higop ng kape…"aray…sobrang init pala…" pahiya kang probinsyana ka…Natawa si Gil sa akin pero nag-alala din siya, nakakatawa naman kasi eh, tinanong ko si Gil kung taga maynila din ba sila…" Laking maynila kami ng kuya ko…pero ang totoo hindi kami talaga magkapatid…ang layo ng mukha namin diba?" …"seryoso ka ba?" ika ko…" ano sa tingin mo?" ….tumahimik nalang ako at hindi sumagot…"Totoo, kinupkop lang ako ng mga magulang ni Kuya noong bata pa ako, nakita nila ako sa terminal ng trisikel, umiiyak, hinahanap ang nanay ko, hindi nila alam kung bakit ako nandun noon, pero sinubukan nilang hanapin ang mga magulang ko pero hindi na talaga nila makita, hanggang sa nagsawa na sila at sila na lamang ang nag-alaga sa akin…High-School na ako nun noong nalaman ko ang lahat, naglayas ako noon, pero bumalik din ako noong matanggap ko na ang katotohanan, tutal hindi naman nila ako pinabayaan eh, hindi kagaya ng mga totoo kong magulang na hindi man lang ako hinanap…" napansin ko na nagsisimula ng magtubig ang mata ni Gil kaya sumingit na ako kaagad…"Maswerte ka pa alam mo, kasi may kumupkop sa iyo, eh yung ibang bata nakita ko sa kalye kanina, parang sa kalye na sila nakatira eh, tsaka yung mga taong grasa…ako din swerte ako…dahil may kumupkop sa akin" sabay ngiti na medyo maluha-luha din ang mata…"Tama na nga yan at baka magiyakan pa kayo!" …yung Kuya ni Gil, gising pa pala at nakikinig…"naku yang si Gil, ganyan talaga yan, mahilig tumulong sa kapwa, kaya nga tingnan mo nag-sekyu sa shopping mall" …"Matulog ka na nga lang dyan DUMBO! nakikisali ka na naman sa usapan ng mga bata…" biro ni Gil sabay kindat sa akin…" yang si Kuya, tamad yan kaya lumaki ng ganyan yan eh, kain lang ng kain at madalas pang uminom ng alak…pero mahal na mahal ko yan kahit ganyan yan, siya nalang kasi ang natitira kong pamilya…ako ang bread winner sa amin, siya naman sa gawaing bahay at pagbebenta ng cellphone load para mayroon siyang konting income at pambili niya ng kung ano-ano, malakas din naman kumita yung pagloload niya, nakaka 300 siya minsan sa isang araw at kapag sinuwerte ay 500, at ako naman sa labas at magdamag na nagbabantay, check ng bag, check ng mga bulsa at nagaabang na may mangyaring masama…nakakainip pero kailangan tiisin ko, maganda naman ang pamamalakad ng agency namin eh, hindi kami lugi at walang politika sa loob, at dagdag pa, kasi nagiipon ako para makapag-abroad…si kuya di siya pwedeng mag-abroad at baka hindi makalipad ang eroplano sa bigat niya…hahahahahahaha" napalakas ang tawa ni Gil, ako naman natawa din pero mahinahon lang, baka kasi sabihin ng kuya niya ay pinagtatawanan ko siya…" eh ikaw bakit ka nasa maynila?" …nasamid ako sa tanong ni Gil, ngunit sumagot din ako kaagad " aahh…ako….aahh…eeehhh nagpunta ako dito dahil maghahanap ako ng trabaho, kaso sa kasamaang palad naman ay bigla ngang nawala ang bag ko at masakit pa din ang anit ko sa pagsabunot nung babae kanina"…sabay kamot ako sa ulo ko…"ANO? MAY SUMABUNOT SA IYO KANINA????" nagulat kami ni Gil dahil biglang bumangon ang Kuya niya sa pinagkakahigaan…" Saan nangyari ito? sa Cubao? saan? tarantado yun mga yun ah…may nakuha ba sa iyo? matagal na yang sindikato na yan eh, dapat sa mga yan pinaliliguan ng gas sabay sunugin sa plaza at i-televise!!!" …gigil na gigil na sinabi ng Kuya ni Gil…" OK lang ako, may konting galos lang dahil napadapa ako sa sahig, si Gil ang tumulong sa akin…muntik na akong masipa sa sikmura ng biglang dumating si Superman…hehehehe"…walang bakas ng ngiti sa mukha ng kuya ni Gil, hindi siya natawa sa sinabi ko, bumangon siya at nagpunta sa kusina upang uminom ng tubig…ilang sandali lang ay may narinig kaming nabasag na pinggan…" Aayyy….ano yun? yung kuya mo yata?"
…pinuntahan kaagad namin ni Gil at nakita namin ang kuya niya na may hawak hawak na paa ng manok at puno ng mantika ang bibig…" Pasensya na gutom lang ang baboy!…ako na bahala dito, wag niyo na akong intindihin, tapusin niyo na ang pinaguusapan niyo at gabi na, matulog na tayong lahat at iyang si Mary-Anne ay mukhang pagod na."…hindi ko na naikwento kay Gil ang buhay ko, inubos nalang namin ang kape at itinuro sa akin ni Gil kung saan ako matutulog, isa lang ang kwarto nila, may double deck na kama, sa taas na daw matutulog si Gil para kapag tinawag ako ng kalikasan ay madali akong makakabangon…nahiga na kami at si kuya naman ay pinatay na ang ilaw at natulog na din sa sopa…wala pang limang minuto ay napansin kong tulog na din si Gil, medyo naghihilik siya, madilim sa loob ng kwarto, pero may konting liwanag naman na pumapasok galing sa bintana…hindi ako makatulog, namamahay ako, iniisip ko yung Bag ko, hindi pa din ako mapakali, paano kaya ako makakapunta sa tiyahin ko? Paano ako makakabalik sa amin, ano nalang ang sasabihin ko kina inay at itay…naluha nalang ako, humihikbi ng kaunti, pero pinipigilan ko dahil ayaw kong magising sina Gil, naawa ako sa sarili ko, sana hindi nalang ako nagpunta dito sa maynila, sana hindi nangyari ito, sana hindi ako nagpumilit, sana nakinig nalang ako kina Inay… hindi naman ako pwedeng magtagal dito kina Gil at nakakahiya sa kanya at sa kuya niya… bahala na… bahala na… at pinikit ko nalang ang mata ko hanggang makatulog.

HAMPAS NG ALON: Chapter 1

Wednesday, October 3rd, 2007

Pangalan ko ay Mary-Anne Carvajal, laking probinsya, nagiisang anak at nagpunta sa maynila upang maghanap ng trabaho, madaming nangyari sa akin sa maynila at eto ang istorya ko.

Bago ang lahat sasabihin ko muna sa inyo kung saan ako nagmula at kung ano ang nagudyok sa akin na pumunta ng Maynila. Mane ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko, sa bahay naman Meng-meng, alam mo na ang mga nanay mahilig sa mga ganun palayaw, hilig nila sa may mga tunog na NG sa huli, BEBANG, GAGANG, DING, INENG at marami pang iba, 27-taon gulang ako at sanay sa buhay probinsya, sanay sa init, sanay sa mga humahampas na bagyo kapag tag-ulan, alam mo naman sa probinsya diba? konting bagyo lang eh delubyo na kaagad, madaming nasasalanta, gayun pa man hindi ko na babanggitin kung saan probinsya mismo ako nagmula, basta galing ako sa probinsya. Hindi naman ako kagandahan, pero maraming nagsasabi na kahawig
ko daw si Tetchie Agbayani, yung iba naman sabi mas kahawig ko daw si Bayani Agbayani ayos diba? :-) Bahala nga sila kung maghusga sila ng ganun sa akin, Isa lang ang masasabi ko, mabait akong tao at hangga’t maari ay ayokong nangaapi ng kapwa. Sabik akong magkapatid ngunit mula ng malaglag si inay sa puno ng buko ay hindi na siya maaring magka-anak, nagkaroon siya ng sakit sa matres kaya ayun di na siya maaaring magbuntis, mag-isa lang ako, buti nga at nabuhay pa si inay eh, at bilib naman ako kay itay dahil hindi ko man lang siya makitang nambababae, o baka hindi ko lang siya nakikita, hindi naman siguro, may tiwala ako kay itay. Masipag ang mga magulang ko, drayber si itay sa isang pagawaan ng asukal, si inay naman ay tumatanggap  ng mga labada at plantsahin, meron din kaming maliit na tindahan na kapag wala akong pasok ay ako ang nagbabantay. Malapit ako sa mga magulang ko, lalong lalo na sa lola ko, madalas ko siyang tinutulungan mamalengke at palagi niya akong binibilhan ng napkin kapag dinadatnan ako, alagang alaga ako ng lola ko, matagal na siyang patay kaya naman hindi ko na masyadong dinaramdam. Madami din akong kaibigan sa probinsya, kaso di ako madalas sumasama sa kanila kapag namamasyal sila, kasi kailangan kong tulungan ang aking mga magulang at gusto kong tumutok sa pag-aaral, ngunit kung minsan naman ay sila nalang ang pinapupunta ko sa bahay namin, mas gusto ng magulang ko yun, kasi nakikilala nila ang mga kaibigan ko. Dahil sa sipag ng aking mga magulang ay nagawa nilang patapusin ako ng kolehiyo, BS  Zoology ang tinapos ko, kung bakit yun ang kinuha ko ay dahil noong bata pa ako ay mahilig ako sa hayop, ibat ibang klase ng hayop, mayroon akong alagang 8 Pusa, 5 Aso, 53 na Dagang kosta (tinitinda ko sila), 10 kalapati, 10 Pa-itluging Manok, 2 Baboy, 2 Baka at 33 na Bibi, yung mga Bibi sa lola ko talaga yun pero ako na din ang nagaalaga mula ng mamatay ang lola ko dahil sa rabies, nilapa kasi siya ng isang asong kalye habang nagwawalis sya ng mga tuyong dahon sa bakuran namin, naawa ako sa lola ko nun dahil para siyang suman na pilipit nung nilibing siya, nalungkot ako ng sobra, dahil wala manlang akong magawa upang masagip siya sa rabies. Nakapag-trabaho din naman kaagad ako pagkatapos ng ilang buwan mula noong naka-graduate ako, Pumasok ako bilang isang helper sa Maliit na Zoo doon sa lugar namin, OO sa ZOO, naglilinis ako ng kulungan, nagpapakain ng mga hayop, chinecheck-up kung may sakit sila, nagwawalis ng mga tae, pinaliliguan ang mga matsing, pero ang pinakamahirap ay yung paglilinis
ng kulungan ng buwaya, terible, ilang beses na akong muntikang makagat sa binti, yung mga pesteng bata kasi madalas magtapon ng kung ano ano sa kulungan ng buwaya…
Ganun pa man doon nababagay ang isang katulad kong mahilig sa hayop, tumagal din ako doon sa Zoo ng mga 1 taon at umalis ako dahil pakiramdam ko na maswerte pa yung mga hayop kaysa sa akin, mas hayop pa kasi ang trato ng amo ko sa akin kaysa sa mga hayop sa zoo. May katagalan din akong nabakante noon, pero panay ang pag-aapply ko sa kung saan saan kahit hindi ko na linya ay inaaplayan ko, ngunit matapos ang ilang buwan na desperada sa paghahanap ng trabaho, ay nagpahinga muna ako, sabi ko hindi na muna ako maghahanap ng trabaho, tutal madami na din naman akong napasahan ng bio-data…Ngunit isang araw ay nakatanggap ako ng sulat mula sa isang Beterinaryo, may Animal Clinic sya, wala akong naalalang inaplayan kong Animal Clinic noon pero sabi ko susubukan ko na din, sayang eh tsaka tutal linya ko ang pag-hahayop…Pagpunta ko doon ay naka-usap ko ang Beterinaryo, sabi niya na may kaibigan daw siyang nakatanggap ng bio-data ko, at ipinasa sa kanya dahil naghahanap nga siya ng assistant sa kanyang clinic, nagusap kami ni Doc at kaagad akong nagsimula sa kanya… ngunit makalipas ng ilang buwan ay umalis din ako dahil muntik na akong magahasa ng ahas na doctor na yun, muntik na akong matuklaw at mabiktima ng kamandag niya, kaya pala niya ako pinapasok sa clinic niya ay dahil para manyakin niya ako, buti nalang marunong akong pumalag at kung hindi, malamang nawarat na ang aking pinakaiingatan, hindi ko na sinabi sa mga magulang ko ang nangyari, kahit na tuwang tuwa sila sa akin dahil sa clinic ako nagtatrabaho, para daw akong doctora, kung alam lang nila…Haaay Diyos ko, Talaga lang sigurong malapit ako sa mga HAYOP!

Napansin ko na wala na akong pag-asang umunlad pa sa probinsya namin, kaya naman nagtanong ako kina itay at inay kung maari ba akong magpunta ng maynila upang makapag-hanap ng magandang trabaho para naman kahit paano ay umangat ang buhay namin, matanda na din kasi sila at malapit ng magretiro at sabi ko din na ilang taon nalang ay magiging 40 na ako at wala pa din akong mapapangasawa, sabi ko sa kanila na dapat naghahanda na ako sa maaring dumating sa buhay ko, tutal nandun din naman yung isa kong tiyahin na nakatira sa may Mandaluyong at maari akong manuluyan muna doon pansamantala. Ilang araw din ang hinintay ko at pagpupumilit bago ako pinayagan ng aking mga magulang, sabi kasi nila na delikado daw sa maynila at maraming gago at mapapahamak lang daw ako. Hindi ko na inisip ang mga ganun insidente na maaring mangyari sa akin, sabi ko nalang sa kanila na mag-iingat akong mabuti at palagi akong susulat sa kanila. Nag-impake ako kinabukasan, ginamit ko ang kulay pink na Hello Kitty kong bakpak na gamit ko pa noong elementary ako, imported kasi yun galing japan, bigay sa akin ng nanay ng kaibigan ko dahil japayuki yung nanay nya, malaki at marami akong mailalagay sa bakpak ko, alam mo naman sa public elementary school, kulang nalang maging parang kargador ang katawan mo sa dami ng libro mong bitbit, nagdala na din ako ng kaunting pagkain at inumin para hindi na din ako masyadong gumastos habang bumabyahe, dinala ko na din ang alkansya kong yari pa sa kawayan at alam kong kakailanganin ko yun, humigit kumulang na nasa tatlong libo na din siguro ang naipon ko mula noong una akong nakatanggap ng sahod sa una kong trabaho…At ganun na nga nagpaalam na ako kina inay at itay, hinatid nila ako sa terminal ng bus, nalungkot ako ng sobra at talagang grabe ang hagulgol nina inay at itay, hindi ko sila makalimutan na magkayakap at may malalim na bakas ng kalungkutan sa kanilang mukha habang nakadungaw ako sa bintana ng bus papalayo, sinigaw ko nalang sa kanila na "BABALIKAN KO KAYO AT PANGAKO KO NA HAHANGA KAYO SA AKIN, MAHAL NA MAHAL KO KAYO…" at humarurot na ang bus at unti unti na silang nawala sa aking paningin.